Nagsasagawa na ng mga hakbang ang PNP para sa paglilipat sa hurisdiksyon ng Taguig City Police ng ilang mga lugar na dating sakop ng Makati City Police.
Ito ay kaugnay sa desisyon ng Korte Suprema na naglipat sa 10 “EMBO” Barangay sa ilalim ng political jurisdiction ng Taguig City mula sa Makati City.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, pinaplano ngayon ng Pambansang Pulisya ang “smooth transition” sa pamamagitan ng pansamantalang pagpapanatili ng kahalati sa mga tauhan ng Makati City Police sa mga nabanggit na lugar, upang alalayan ang mga ililipat na pulis mula sa Taguig.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Fajardo na gagawin ng PNP ang lahat upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga lungsod ng Makati at Taguig sa gitna ng mainit na isyu.
Giit ni Fajardo, walang papanigan ang Pambansang Pulisya at tanging kautusang ibinaba ng Korte Suprema lamang ang ipatutupad nila. | ulat ni Leo Sarne