Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., na dapat sampahan ng kaso ang dating pulis at driver na nanakit at nagkasa ng baril sa isang siklista malapit sa Welcome Rotonda, Quezon City noong Agosto 8.
Bagamat nagkaayos na ang siklista at ang dating pulis na si Wilfredo Gonzales, maaari pa ring magsampa ng mga kasong kriminal kahit tumangging magreklamo ang biktima.
Paliwanag ng kalihim, maari pa ring maisampa ang mga kasong kriminal kapag may lumutang na ibang testigo.
Halimbawa dito ang taong kumuha ng viral video, o ang ibang bystanders na nakakita ng insidente.
Pagtiyak ni Abalos, babantayan ng Napolcom ang tugon ng mga awtoridad sa kasong ito at kapag walang aksyon ay mag-iimbestiga ang Internal Affairs Service ng PNP.| ulat ni Rey Ferrer