Ilan pang mga senador ang kumondena sa viral road rage ng retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales sa isang siklista na nangyari sa Quezon City.
Ayon kay dating PNP Chief Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, hindi na dapat makahawak ng baril si Gonzales.
Suportado rin ni Dela Rosa na alisan na ito ng baril para hindi na tularan pa ng iba.
Iginiit naman ni Senador Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap na magpatuloy ang ganitong culture of impunity lalo na sa mga pampublikong kalsada.
Malinaw aniyang isang banta sa cycling, commuting o riding public si Gonzalez.
Base sa impormasyon, tinapik ng siklista ang sasakyan ni Gonzales dahil nasa loob ng bike lane ang kanyang sasakyan at hindi makadaan ang siklista.
Biglang huminto ang sasakyan ni Gonzales dahil tila nasanggi ito ng siklita, bagay na ikinagalit ng drayber ng sasakyan, bumunot ng baril at ikinasa pa laban sa siklista.
Sinusulong naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat turuan ng leksyon ang mga ganitong indibidwal at sampahan ng kaso.
Pinasa naman na sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang isyung ito.| ulat ni Nimfa Asuncion