Isa ang naiulat na nawawala sa bagyong Goring, batay sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga.
Nagmula sa Western Visayas ang nawawalang indibidwal.
Wala pa namang naitatalang nasawi o nasaktan sa bagyo na huling iniulat na nasa karagatan ng Sabtang, Batanes.
Habang umakyat na 56,410 pamilya o 196,926 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at Cordillera Administrative Region (CAR).
Pansamantalang sumisilong ang 9,608 pamilya o 35,095 indibidwal sa 376 evacuation centers.
Samantala, umabot na sa mahigit ₱7 milyon ang halaga ng tulong na naiabot ng gobyerno sa mga apektadong residente. | ulat ni Leo Sarne