Inaprubahan na ng Bureau of Treasury (BTr) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11954, o ang Maharlika Investment Fund Act of 2023.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Velicaria-Garafil, sa ilalim ng IRR, ang Maharlika Investment Corp. na bubuuin sa ilalim ng batas ay magsisilbing behikulo, sa pangangasiwa at paggamit ng Maharlika Fund para sa pamumuhunan sa mga transaksyon na makakalikha ng returns on investment (ROI).
Kasabay na rin ito ng pagpapalakas sa poverty reduction at paglikha ng trabaho sa Pilipinas, sa pamamagitan ng pag-sustain ng mataas na growth trajectory ng ekonomiya ng bansa.
Ang MIC ay magkakaroon ng siyam na miyembro ng Board of Directors, kabilang na ang Secretary of Finance.
Ang iba pang board of directors ay kabibilangan naman ng Pangulo at CEO ng Land Bank of the Philippines (LBP), Pangulo at CEO ng Development Bank of the Philippines (DBP), dalawang regulator directors, at tatlong independent directors mula sa private sector.
Pinapayagan ang MIC na magkaroon ng capital stock na P500 billion, na hahatinin sa five billion shares, o P100 per share.
Mayroong common shares na three billion seven hundred fifty million (3,750,000,000) o katumbas ng PP375,000,000,000.. habang ang preferred shares ay one billion two hundred fifty million (1,250,000,000) o katumbas ng P125,000,000,000.
Magkakaroon rin ng Maharlika Investment Fund Joint Congressional Oversight Committee (MIF-JCOC) na magbabantay at magi-evaluate sa implementasyon ng batas.
Bubuuin ito ng tig- pitong miyembro mula sa Kongreso at Senado.
Ang Maharlika Investment Fund ay nilikha upang magsulong ng socio-economic development sa bansa, na makakamtan sa pamamagitan ng strategic at profitable na pamumuhunan. | ulat ni Racquel Bayan