Mahigpit na binabantayan ng Laguna Lake Development Authority o LLDA ang lebel ng tubig sa Lawa ng Laguna o mas kilala bilang Laguna de Bay.
Ito’y ayon sa LLDA ay kasunod na rin ng inaasahang mga pag-ulan partikular na sa Metro Manila at Rizal dulot ng hanging habagat na pinaigting ng nakalabas nang bagyong Goring.
Batay sa monitoring ng LLDA sa 4 na istasyon nito, 3 ang nakapagtala ng pagtaas ng lebel ng tubig.
Sa kanilang South Bay monitoring station sa bayan ng Bay sa Laguna, nakapagtala na ito ng 11.79 meters.
11.77 meters ang naitala sa East Bay station nito sa Lumban sa Laguna habang 11.8 meters naman sa West Bay station sa Muntinlupa.
Habang tinututukan naman ang lebel ng tubig sa Central Bay nito sa Cardona sa Rizal.
Patuloy namang pinaalalahanan ng LLDA ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maging mapagmatyag at agad lumikas kung kinakailangan. | ulat ni Jaymark Dagala