Nagkasa ng declogging operations gayundin ng paghahakot ng basura ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.
Unang sinuyod ng mga tauhan ng Metro Parkways Clearing Group at Flood Control and Sewerage Management Office ang España Boulevard sa Maynila at Brgy. Pinagsama, Taguig sa paghahakot ng mga basura.
Nilinis din ang mga lagusan ng tubig sa Manila Bay at mga kanal sa Roxas Boulevard upang maayos na makadaloy ang baha bunsod ng habagat.
Hinakot din ang mga basura na nakabara sa mga kanal sa kahabaan ng C-5 road sa Palar Village sa Taguig City.
Patuloy naman ang panawagan ng MMDA sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang hindi bumara sa mga daluyan ng tubig na magresulta pa sa pagbaha. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: MMDA