Pansamantala munang hindi madaanan ng mga motorista ang bahagi ng Pangasinan -Nueva Vizcaya Road sa Sitio Tangke, Brgy. Malico, San Nicolas, Pangasinan.
Sa ulat ng Department of Public Works and Highways Region 1 Pangasinan Third District Engineering Office, nagkaroon ng landslide sa bahagi ng daan dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ni bagyong #HannaPH.
Sa abiso ng DPWH, ang lahat ng motorista ay maaaring dumaan muna sa original route sa AH 26 via Bakit-Bakit Junction – Umingan-Lupao- San Jose City, Nueva Ecija.
Ngayong umaga sisimulan ng DPWH ang road clearing operation sa apektadong lugar.
Samantala, on-going pa rin ang clearing operation sa iba pang national road na naapektuhan ng nagdaang bagyong #GoringPH.
Hanggang kahapon ay hindi pa madaanan ng mga motorista ang pitong kalsada sa Cordillera Administrative Region at Region 1.
Batay sa ulat, umabot na sa P442.32 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa CAR, Regions 1, 2, at 4B. | ulat ni Rey Ferrer