Umaabot na sa 26.7 bilyong pisoang ginagastos ng Philippine National Police taon-taon para sa hindi awtorisadong sobra-sobrang posisyon sa PNP.
Ito ay batay sa dokumento mula sa Department of Budget and Management na ipinadala kay Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos.
Ayon sa dokumento na pirmado ni Director Mary Anne Dela Vega ng DBM Budget and Management Bureau, hindi tugma sa inaprubahan nila na rank distribution sa aktwal na bilang ng pulis sa organisasyon ng PNP.
Para sa may ranggong Lt. General, tatlo lamang ang aprubado ng DBM pero mayroon ngayong walo habang 11 sa Major General pero mayroong 17.
86 lamang ang nakalaan para sa Brigadier General pero umaabot na ngayon sa 110 ang kasalukuyang mga opisyal.
Para naman sa Colonel, nasa 624 ang pinayagan lamang ng DBM pero umabot na ito sa 856 ngayon habang sa Lt. Colonel ay 2,000 lang ang aprubado ngunit nasa 2,910 na ngayon.
Nakapaloob din sa sulat ng DBM na anumang pagbabago sa organizational structure ng PNP ay dapat aprubado ng National Police Commission o NAPOLCOM at aprubado rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, sa panig ni DILG Sec. Benhur Abalos, iginiit niya na minana lamang niya ang nabanggit na mga problema.
Ngunit noong siya ay umupo, agad daw niya itong inilapit kay House Speaker Martin Romualdez at Sen. Ronald Bato dela Rosa para makapagpasa ng panukalang batas sa pagsasaayos ng PNP.
Umaasa siya na maisasabatas sa lalong madaling panahon upang masolusyunan ang usapin. | ulat ni Michael Rogas