Nakikipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang ahensya gayundin sa International Police (INTERPOL).
Ito’y para sa ikadarakip ni dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnulfo Teves Jr. at 12 iba pa, matapos maglabas ng warrant of arrest ang Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay sa kasong murder, frustrated at attempted murder.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, malaking hamon sa kanila ngayon kung walang extradition treaty sa bansang kinaroroonan ng dating mambabatas.
Samantala, kinumpirma rin ni Fajardo na mayroon nang tracker teams na binuo upang tuntunin ang mga kapwa akusado ni Teves, na itinuturing na mastermind sa pagpatay kay dating Governor Roel Degamo at wala iba pa.
Magugunitang humingi ng asylum sa Timor Leste si Teves, subalit tinanggihan siya nito ngunit sinabi na rin noon ng Department of Justice na paikot-ikot lang si Teves sa Asya. | ulat ni Jaymark Dagala