Aminado si Regional Executive Director Dennis Arpia ng Department of Agriculture VI (DA-6)na sumusunod sa Executive Order 39, o ang pagpapatupad ng mandated price ceiling sa bigas ang rice retailers sa probinsya ng Iloilo.
Ito ang pahayag ng opisyal matapos ang pulong ng Provincial Price Coordinating Council kasama ang mga lokal na mangangalakal at importer ng bigas at mga tauhan ng National Food Authority (NFA) na ipinatawag ni Governor Arthur Defensor Jr. upang pag-usapan ang pagpapatupad ng price cap para sa mga bigas na ibinebenta sa merkado.
Ang DA, Department of Trade and Industry (DTI) at LGUs sama-sama na magmo-monitor upang makita kung nasusunod ang price ceiling.
Ayon kay Arpia may mga suliranin na dapat pagtuunan ng pansin tulad ng mataas na pagbili o puhunan ng rice retailers sa kanilang hawak na stocks.
Aniya hindi kinukulang ang pambansang gobyerno sa paghahanap ng paraan upang mabigyang lunas ang epekto sa posibilidad na malulugi ang retailers.
Inihayag naman ni Defensor na ipinatawag niya ang nasabing mga grupo dahil gusto nitong i-reecho ang ‘activation’ ng local price monitoring council, sa layon na i-monitor kung nasusunod ang EO 39 at i-monitor din ang ani at suplay ng bigas dahil mag-iiba ang ‘dynamics’ ng presyo at suplay nito kung mayroon ng ani.| ulat ni Bing Pabiona| RP1 Iloilo