Pinasisibak sa serbisyo ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang walong pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar na napagkamalang suspek sa krimen sa Navotas.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, kasama dito ang anim na pulis na umaming direktang nagpaputok ng baril sa naturang insidente at ang dalawang team leader.
Paliwanag ni Triambulo, “serious irregularity in the performance of duty,” at paglabag sa Police operational Procedure na humantong sa Conduct Unbecoming of a Police Officer ang nagawa ng anim na pulis; habang kapabayaan naman na humantong sa pagkamatay ni Jemboy ang sala ng dalawang team leader.
Batay aniya sa testimonya ng mga testigo, dalawang beses nagpaputok ang mga pulis: una noong nasa banka pa si Jemboy, at pangalawa, pagkatapos niyang tumalon sa tubig, na pagpapakita ng “intent to kill”.
Dagdag ni Triambulo, inaasahan naman nilang maresolba sa susunod na linggo ang mga administratibong kaso ng 23 iba pang pulis na nadamay sa insidente.
Nahaharap sa kaso ang 20 pang pulis na nasa lugar dahil sa pag-abandona sa biktima at dishonesty sa report, ang dalawang imbestigador sa insidente dahil sa dishonesty, at ang Chief of Police ng Navotas dahil sa Serious Neglect of Duty at Dishonesty. | ulat ni Leo Sarne