Tiwala ang mga retailer ng bigas sa Marikina Public Market na matatanggap na nila ang tulong mula sa pamahalaan sa lalong madaling panahon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas sa mga rice retailer sa nasabing pamilihan, bilang mga negosyante, kailangang kailangan nila ang P15,000 NA tulong mula sa pamahalaan.
Bukod kasi sa kanilang pagkalugi dahil sa pagbebenta ng P41 at P45 kada kilo ng regular at well-milled rice, kailangan din nilang tugunan ang iba pang pangangailangan tulad ng pasuweldo sa mga tauhan at renta sa puwesto sa palengke.
Ayon pa sa mga tindero, handa naman silang magsakripisyo para magbenta ng murang bigas para sa mga kababayan kahit mahal ang hango nila sa mga supplier.
Una nang sinabi ng Department of Trade and Industry o DTI na sisimulan nila ang pamamahagi ng P15,000 na ayuda para sa mga rice retailer ngayong weekend sa Metro Manila. | ulat ni Jaymark Dagala