Mariing kinondena ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang patuloy na paggamit ng NPA ng Anti-Personnel Mines (APM) na ipinagbabawal sa buong mundo.
Ayon sa AFP Chief, karapat-dapat lang ang klasipikasyon ng NPA bilang isang teroristang organisasyon dahil sa walang habas nilang paglabag sa International Humanitarian Law na nagbabawal ng paggawa, pagbiyahe at pag-iimbak ng APM.
Sa huling pag-atake ng NPA gamit ang APM sa mga tropa ng gobyerno sa boundary ng Tagkawayan, at Labo, Camarines Norte noong Setyembre 1, nasawi ang limang CAFGU Active Auxiliary (CAA) at sugatan ang dalawa pa at isang sundalo.
Personal na ipinaabot ng AFP Chief ang kanyang pakikidalamhati sa mga pamilya ng biktima, sa kanyang pagbisita sa burol ng mga nasawing CAA sa Tagkawayan, Quezon nitong Biyernes.
Sina CAA Ceasar Sales, CAA Jeffrey San Antonio, CAA Jomarie Guno, CAA John Ven Perez, at CAA Aldon James Rafa ay inilibing noong araw ding iyon sa bagong-pasinayang Himlayan ng mga Bayani sa Public Cemetery ng Tagkawayan. | ulat ni Leo Sarne
📷: TSg Obinque/PAOAFP