Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magiging handa sila sakaling mauwi sa armadong pag-atake ang resupply mission ng sandatahang lakas sa West Philippine Sea.
Ito ang pinahayag ni AFP Assistant Deputy Chief of Staff for Operations Navy Captain Peter Jempsun de Guzman sa naging pagdinig ng Senate Coommittee on National Defense tungkol sa mga aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay De Guzman, naghahanda na sila ng mga nararapat na contigency plans para sa lahat ng mga posibleng mangyari lalo na sa mga ongoing missions sa WPS.
Kasunod naman nito ay sinabi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na handa siya at ang mga kasamahan niyang senador na lumaban sa WPS kapag humantong sa armadong labanan ang sitwasyon sa lugar.
Samantala, binahagi rin ni PCG Spokesman Jay Tarriela na sa ngayon ay mas nagiging kumpiyansa na ang mga mangingisdang Pilipino na mangisda sa WPS, lalo na sa ayungin shoal, dahil ankikita nila ang efforts ng National Government at ang presensya ng PCG at ng Philippine Navy sa karagatang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion