Dadagdagan ng Philippine National Police (PNP) ang mga psychologist at psychiatrist sa kanilang hanay.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, bahagi ito ng mga hakbang na ipinatutupad ng PNP para masigurong nasa matinong kaisipan ang mga pulis.
Paliwanag ni Fajardo, kumplikado ang trabaho ng pulis at mahalagang maalagaan ang kanilang mental health para hindi makaapekto sa kanilang trabaho.
Sinabi ni Fajardo na nire-review din nila ang inilabas na memorandum circular tungkol sa “bantay kaisipan” ng mga pulis, para maging bahagi na ng regular na annual physical examination ang neuro at psych test, at hindi lang bago pumasok sa serbisyo o tuwing may promosyon.
Aminado si Fajardo na kulang ang mga psychologist at psychiatrist ng PNP na aniya ay naka-concentrate sa National Headquarters.
Ito rin aniya ang mga espesyalistang ipinapadala sa mga rehiyon kapag may recruitment doon, katulad ngayong may ongoing recruitment sa Bangsamoro Autonomous Region. | ulat ni Leo Sarne