Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development ang pagbabayad sa mga college student na nagsilbing student-tutor sa ilalim ng Tara, Basa! Tutoring Program.
Kabilang sa nakinabang rito ang mga Second to fourth year college student-beneficiaries mula sa City of Malabon University na nakuha na ang kanilang cash-for-work.
Sa ilalim ng Tara, Basa! Tutoring program, makakatanggap ng P500 kada araw ang mga student-tutor kapalit ng 20 araw na pagtuturo sa mga batang nahihirapang magbasa.
Mayroon ding mga estudyante na naging youth development worker na tumutulong sa mga magulang na maging Nanay-Tatay Tutor sa kanilang mga anak sa bahay.
Dito sa NCR, nasa higit 5,000 student-tutors at 500 Youth Development Workers (YDWs) ang target ng programa sa 20 State and Local Universities and Colleges (SLUC). | ulat ni Merry Ann Bastasa