Nananatiling tahimik at maayos ang unang araw ng 2023 Bar Examinations sa University of the Philippines (UP) ngayong umaga.
Mula nang magsimula ang pagsusulit kanina, nananatili pa ring nakaantabay at nakaalalay sa paligid ng testing centers ang mga tauhan ng QC Department of Public Order and Safety.
Nag-deploy ito ng 15 e-trikes na nagsisilbing shuttle ng mga examinees sa UP campus. May mga nakaantabay ding ambulansiya, rescue at fire trucks.
Umalalay naman sa pagsasaayos ng trapiko ang mga tauhan ng Traffic and Transport Management Department at Metropolitan Manila Development Authority.
Present din ang mga kawani ng Supreme Court, UP, QC Health Department, Disaster Risk Reduction and Management Office, QC Police Department, QC Fire District at Brgy. UP Diliman.
Kaugnay nito, mananatiling sarado ang mga kalsada malapit sa unibersidad hanggang matapos ang pagsusulit mamayang hapon.Kabilang dito ang University Avenue, P. Garcia Avenue at Katipunan Avenue.
Sarado ito mula alas-3:30 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-3:30 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi. | ulat ni Rey Ferrer