Handa na rin ang Quezon City Local Government na umalalay sa Commission on Elections para sa nalalapit na Barangay at SK Elections sa Oktubre.
Sa isinagawang QC Journalists Forum, kinumpirma ni QC Election Committee Head at City Treasurer Ed Villanueva na mayroong P400 milyong pondo na inilaan ang lokal na pamahalaan para sa nalalapit na halalan.
Karamihan aniya ng pondo ay ilalaan sa mga departamentong magiging abala para tiyaking magiging maayos at mapayapa ang halalan.
Abala na rin ang QC LGU sa mga coordination meeting sa iba’t ibang ahensya para sa BSKE.
Pagdating naman sa election materials, balak ng LGU na humingi ng tulong sa QCPD para sa pagtitiyak ng seguridad sa official ballots oras na dumating na ang mga ito.
Samantala, tinukoy naman ni QC Legal Department Asst. City Atty. George Matthew Habacan na tumutulong na rin ang pamahalaang lungsod sa mahigpit na pagpapatupad ng election rules gaya ng kampanya vs premature campaigning.
Giit nito, hindi namumulitika ang LGU at hindi rin nagpapagamit sa mga kumakandidato.
Hinikayat rin nito ang mga residente sa lungsod na magsumbong sa Comelec at QC Legal Department sa mga insidente ng premature campaigning. | ulat ni Merry Ann Bastasa