Pag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang suhestiyon na taasan ang multa sa mga jaywalker o tumatawid sa maling tawiran sa EDSA at C-5.
Ito ay matapos na mabundol ng motorsiklo ang isang pedestrian habang naglalakad sa lagpas sa bike lane, sa bahagi ng EDSA Guadalupe Southbound, kagabi.
Sugatan ang biktima at ang driver ng motorsiklo sa naturang insidente.
Sa pulong ng MMDA at Department of the Interior Local Government (DILG), hinikayat ni DILG Secretary Benhur Abalos ang mga Metro Manila mayor, na patawan nang mas mabigat na parusa ang mga tumatawid sa hindi tamang tawirang sa EDSA at C-5 upang hindi na maulit ang insidente.
Sa panig naman ng MMDA, sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes na pabor siya sa mas mabigat na parusa para sa mga jaywalker.
Ani Artes, gaya sa ibang bansa mayroong may mabigat na multa para sa mga lumalabag sa batas trapiko kaya nagkakaroon ng disiplina ang mga ito.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy ang paalala ng MMDA sa publiko na tumawid sa tamang tawiran gaya ng pedestrian lane at foot bridge.
Sa kasalukuyan naman, nasa P500 ang multa ng MMDA o community service para sa mga jaywalker. | ulat ni Diane Lear