Magdaragdag ng mga tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa Negros Oriental kasunod ng pagsasailalim ng lalawigan sa Commission on Elections (COMELEC) Control.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon.
Ayon sa PNP chief, ang “augmentation” ng mga pulis sa Negros Oriental ay isa sa mga natalakay sa huling Command Conference ng PNP.
Ngayon aniya ay tinutukoy na ng PNP ang mga “peaceful areas” at posibleng “problem areas” sa lalawigan para sa pag-realign ng kanilang mga pwersa.
Nakatulong aniya ang deklarasyon ng pagsasailalim sa COMELEC Control ng lalawigan dahil direkta na ang koordinasyon ng PNP sa COMELEC pagdating sa deployment ng mga pulis. | ulat ni Leo Sarne