Patuloy ang pamamahagi ng ayuda ng pamahalaan para sa mga rice retailer na tumatalima sa Executive Order no. 39 o ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas.
Sa ikalawang pagkakataon sa Pasig City, tinatayang nasa 96 na rice retailer beneficiaries ang target na mabigyan ng tulong.
Isinagawa ang payout sa Tanghalang Pasigueño na nasa loob ng City Hall compound na nagsimula kaninang alas-9 ng umaga at tatagal naman hanggang mamayang alas-2 ng hapon.
Tulad ng dati, daraan sa ilang proseso ang mga benepisyaryo tulad ng initial screening, verification at payout kung saan, kailangan lamang magpakita ng mga katibayan upang makatanggap ng P15,000 ayuda.
Ang payout na ito ay sa inisyatiba na rin ng Office of the President sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD gayundin ng Department of Trade and Industry o DTI.
Ayon naman kina Mary Rose mula sa Jenny’s, Pasig at Mang Louisell ng Brgy. Santolan, malaking tulong para sa kanila ang tulong na kanilang natanggap. | ulat ni Jaymark Dagala