Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na magbabalik na ang biyahe ng Philippine National Railways (PNR) sa mga rutang Calamba-San Pablo at Lucena-San Pablo, simula mamayang hapon.
Ito ay matapos na pansamantalang suspindihin ng pamunuan ng PNR ang biyahe sa nasabing mga ruta simula noong September 7, upang magbigay-daan sa maintenance ng mga tren.
Batay sa abiso, simula ngayong araw magbabalik na ang biyaheng Calamba hanggang San Pablo ng 6:30 PM, habang ang biyaheng Lucena hanggang San Pablo naman ay 5:50 PM.
Simula naman bukas ay balik na sa normal ang biyahe ng PNR sa nasabing mga ruta.
Aalis ang unang biyahe sa San Pablo patungong Calamba ng 6:25 AM, habang ang unang biyahe sa San Pablo papuntang Lucena ay aalis ng 6:15 AM.
Humingi naman ng pang-unawa ang pamunuan ng PNR, sa mga naapektuhan ng pansamantalang pagsuspinde ng naturang mga biyahe. | ulat ni Diane Lear