Binigyang diin ng Municipal Price Coordinating Council sa Guinobatan, Albay ang mahigpit na pagpapatupad ng itinakdang price ceiling sa bigas.
Giit ni Mayor Paul Chino Garcia, puspusan ang kanilang monitoring sa pagpapatupad ng Executive Order No. 39 na naglalayong gawing P41 kada kilo ang regular milled rice at P45 kada kilo naman ang well-milled rice.
Sa isinagawang pagpupulong, binigyang diin ang isyu ng hoarding ng bigas at pagkakaroon ng assitance desk o hotline para maipaabot agad ang mga problemang kinakaharap ng mga nagtitinda ng bigas sa nasabing bayan.
Naglatag naman ng task force ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Camalig sa pamumuno ni Mayor Hon. Carlos Irwin Baldo Jr. para sa regular price monitoring ng presyo ng bigas sa pamilihang bayan.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang pangkalahatang publiko na magsagawa ng pagtitipid sa bigas at bawasan ang basura ng pagkain sa pamamagitan ng pagluluto ng sapat lamang at paghahanap ng mga alternatibong pagkain tulad ng kamote at iba pa. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Camalig PIO