Mariing pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration, Police Lieutenant General Rhodel Sermonia ang akusasyon laban sa kanya ni dating PNP Chief Rodolfo Azurin Jr.
Ito ay may kaugnayan sa pahayag ni Azurin na si Sermonia umano ang nagpakalat ng balita hinggil sa sinasabing deportation ng dating PNP Chief sa Canada.
Ayon kay Sermonia, masyado siyang abala sa pagtupad sa tungkulin bilang ikalawang pinakamataas na pinuno ng Pambansang Pulisya, at wala siyang panahon para sa mga ganitong gawain.
Binigyang diin din ni Sermonia, na sila’y magbilas at magmistah kaya’t ang kasiraan ni Azurin ay kasiraan din ng kanilang pamilya.
Una rito’y nilinaw ni Sermonia, na ang kaniyang pagharap ay hindi bilang opisyal ng Pambansang Pulisya kung hindi bilang isang inaakusahan.
Dahil dito, tumanggi na si Sermonia na magkomento pa hinggil sa usapin at sa halip, ipinauubaya na niya sa awtoridad ng Canada ang pagbibigay linaw sa tunay na nangyari.
Sa panig naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), sinabi ng tagapagsalita nitong si Ambassador Teresita Daza, na kanilang aalamin sa mga awtoridad sa Canada ang naturang usapin at umaasang magkakaroon ng linaw dito.
Gayunman, tiniyak ng DFA ang patuloy na pag-alala ng kanilang mga tanggapan sa ibayong dagat sa sinumang Pilipinong biyahero maging ordinaryong indibiduwal man o dating opisyal ng pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala