Pinasisiyasat sa Kamara ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang serye ng pagkakasabat ng iligal na droga sa Pampanga.
Aniya, magahahain siya ng resolusyon upang atasan ang angkop na komite na mag-imbestiga sa kung paano nakapasok sa kanilang probinsya ang iligal na droga.
Diin ni Gonzales nakakasama sa imahe ng kanilang lalawigan ang pagkakadiskubre ng nasa 530 kilos ng shabu sa isang warehouse sa Mexico Pampanga.
“We are saddened and alarmed by this turn of events in our beloved province, one of the growth centers in Central Luzon. Pampanga is not known as the home ground of drug traffickers, but the latest drug confiscations are giving it a bad image. If this is an incipient problem in our area, let us nip it in the bud,” ani Gonzales.
Batay sa impormasyon ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, dumaan ang kontrabando sa Subic Freeport at kasalukuyan nang hinahabol ang mga tao sa likod nito kasama ang ilang banyaga.
Bago ito, nasa 200 kilos ng shabu din ang nadiskubre mula sa inabandonang sasakyan sa Mabalacat, Pampanga na may street value na P1.3 billion.
Punto ng SDS Gonzales, ipinapakita lamang nito na problema pa rin ng bansa ang iligal na droga.
Kasabay nito, pinaghihigpit ng Pampanga solon ang mga awtoridad sa pagbabantay at pagmamanman sa aktibidad ng mga drug trafficker.
Nais din ng kongresista na ipawalang bisa ang permit ng Subic Freeport locators na nagpapasok ng kontrabando at ng warehouse at iba pang establisyimento kung saan itinago ang naturang droga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes