Nakatakdang bumiyahe at gumanap ang naggagalingang cultural performers mula sa iba’t ibang campuses ng Mindanao State University sa Rawaten 2023 Cultural Extravaganza sa Metropolitan Theatre, Maynila ngayong Ika-6 ng Oktubre, 2023.
Ayon kay Rawaten in Manila Organizing Committee Chairperson Prof. Sorhaila Latip-Yusoph, sa nauna nilang anunsyo sa publiko, may mabibili na ticket upang mapanood ang nasabing aktibidad. Ngunit makalipas ang ilang linggong anunsyo, mapalad umano sila na inako na ito ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang sponsor upang mas mahikayat pa ang publiko na mapanood ito.
Nasa mahigit kumulang 150 performers ang inaasahang magpapatikim ng kanilang galing at talento na layuning makilala at bigyang halaga ang yaman ng Mindanao sa usapin ng musika, sining, kultura’t tradisyon.
Inaasahang mapapanood ang Sining Kambayoka, Sining Pananadem, Kulintang Masters and Onors at Darangan Cultural Dance Troupe ng Marawi, ang Kalimulan Cultural Dance Troupe ng Iligan, Sulu Performing Artists ng Sulu, Sining Ghendawan Ensemble ng Bu-ug, Gandingan Cultural Dance Troupe ng Maguindanao, at Tambuli Cultural Dance Troupe ng Tawi-Tawi sa nasabing okasyon.
Handog ng Rawaten ang tema nitong, “From the Sky to the Sea” sa mga grupo’t indibidwal ng bawat Indigenous Communities na sakop ng Mindanao, Sulu, at Palawan (MINSUPALA) region na siyang nag-uugnay sa bawat komunidad na ito.
Ang Mindanao State University ay nabuo sa ilalim ng Republic Act 1387 at pormal na nagsimula taong 1962 na sa ngayon ay may labing-tatlong (13) campuses na sa buong Mindanao. Maliban sa pangangalaga nito sa kanyang campuses, isa rin sa isinusulong ng nasabing unibersidad ay ang pagpreserba sa kultura at promosyon nito, na s’yang magdadala ng Rawaten sa kalakhang Maynila.
Ang Rawaten ay mapapanood alas-3 ng hapon at alas-8 ng gabi. Maaari lamang pindutin ang mga link na sumusunod upang makapagparehistro:
Matinee (3:00 pm):
https://forms.gle/WwudPKqTou7C8BZM8
Gala (8:00 pm):
https://forms.gle/wEVg2t6UmwPVQpTg6
| ulat ni Princess Habiba Sarip-Paudac