Binahagi ng Commission on Higher Education (CHED) na magpapatupad sila ng Accelerated Master’s Degree program para mapaikli ang pagkuha ng masteral ng mga nursing graduate at makapagturo sila sa mga unibersidad.
Isa ito sa nakikitang paraan ng CHED para matugunan ang problema sa kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng ahensya, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na bagamat inalis na ang moratorium sa pagbubukas ng mga nursing program sa mga paaralan, karamihan sa mga ito ay hindi makapagbukas ng maraming section.
Ito ay dahil kulang sa mga nurse o faculty na may master’s degree na maaaring magturo.
Ang problema kasi, in demand rin sa ibang bansa ang mga nurse na may master’s degree kaya nag-aalisan rin sila sa Pilipinas.
Kaya naman magpapatupad ang CHED ng Accelerated Master’s Degree program na kikilala sa prior learning o experience ng mga nurse para mapaiksi ang kanilang master’s program.
Target itong ilunsad sa susunod na academic year.
Sa tulong nito ay inaasahang sa academic year 2027-2028 ay magkakaroon ang bansa ng karagdagang 2,000 nursing graduates.| ulat ni Nimfa Asuncion