Magkakaroon ng ocular inspection ang mga senador sa Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte, ang lugar na tinutuluyan ng sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc.
Base sa notice na inilabas ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs katuwang ang Senate Committee on Women, gagawin ang ocular inspection sa lugar sa susunod na Sabado, October 14.
Tutungo sa lugar si Committee Chairperson Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kasama ang ilan pang mga senador.
Pero inspeksyon lang sa lugar ang mangyayari at sa Senado pa rin gagawin ang pagpapatuloy ng pagdinig tungkol sa mga isyung ikinakabit sa grupo.
Matatandaang una nang sinabi ni dela Rosa na nais niyang personal na makita ang sitwasyon sa Sitio Kapihan at makausap ang mga miyembro ng SBSI tungkol sa kanilang kalagayan doon. | ulat ni Nimfa Asuncion