Tumanggap ng halos P300,000 financial assistance at ilan pang benepisyo mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW) at Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang naulilang pamilya ng OFW na si Marjorette Garcia na pinaslang ng kanyang katrabaho na isang Kenyan National sa Saudi Arabia.
Personal na iginawad ni OWWA Administrator Arnell Ignacio kasama si DMW OIC Hans Leo Cacdac, OWWA Region 1 Regional Director Gerardo Rimorin ang tseke na nagkakahalaga ng 200k na financial assistance, 20k sa burial at 15k para sa livelihood ng pamilya ngayong hapon, October 14, 2023 sa kanilang tahanan sa Brgy. Awai, San Jacinto, Pangasinan.
Nagbigay din ang ahensya ng school supplies at scholarship sa pangangay na anak ng biktima habang tumanggap ang bunsong anak nito ng mahigit P7,500 sa ilalim ng “Tuloy-aral” program ng OWWA.
Nagpaabot din si Pangasinan Gov. Ramon Guico III ng P50,000 na tulong pinansyal sa pamilya ni Garcia.
Sa naging mensahe ni Ignacio sa pamilya ng OFW, sinabi nitong pinipilit nilang mabigyan si Marjorette ng mahusay at marangal na pagsalubong upang makabawas man lang sa nararamdamang sakit ng pamilya.
Aniya, nagbigay ang kanilang pamilya sa bansa ng isang tunay na OFW na pinaparangalan nating bayani at yan ay hindi umano malilimutan ng mga OFWs at ng pamalaan.
Tiniyak din ni Ignacio na tuloy ang gagawing paglilingkod ng OWWA at DMW sa naulilang pamilya kahit maihatid na ito sa huling hantungan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Tito Garcia, asawa ng OFW sa natanggap na tulong mula sa pamahalaan.
Ilan pa sa mga opisyal na dumalo sa isinagawang prayer service at nagpaabot ng kanilang pakikidalamhati sina Vice Gov. Mark Lambino, Dagupan City Mayor Belen Fernandez, 4th District Representative Christopher De Venecia at San Jacinto Vice Mayor Robert De Vera.| via Verna Beltran| RP1 Dagupan