Plano ring imbestigahan ng Senado ang sinasabing sister group ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa may kanlurang bahagi ng Socorro, Surigao del Norte.
Ayon kay Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, gagawin nila ang imbestigasyon pagkatapos ng pagsisiyasat sa SBSI.
Base sa mga impormasyong nakarating sa senador, may konkretong pader nang nakapaligid sa lugar ng sinasabing grupo at napapaulat rin aniyang may sariling pera na rin sila doon.
Samantala, sinabi ni Dela Rosa na target nilang isagawa ang susunod na pagdinig tungkol sa mga isyu sa SBSI pagbalik ng mga kapwa niya senador mula sa isang official mission sa ibang bansa.
Matapos nito ay sisikapin aniya ng kanyang kumite na makapaglabas ng committee report tungkol sa usaping ito bago matapos ang taon.
Kabilang naman sa mga naiisip nang legislation ni Dela Rosa kaugnay ng mga isyu sa SBSI ay ang pag-amyenda sa child welfare act para mas maproteksyunan ang mga kabataan.
Aminado naman si Dela Rosa na mahirap gumawa ng batas laban sa pagbubuo ng mga kulto dahil masasagasaan nito ang constitutional right to religion ng isang indibidwal.
Isa rin aniyang maaaring amyendahan ang pagbibigay ng Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) ng Department of Enviroment and Natural Resources (DENR).
Giit ng mambabatas, dapat tiyakin ng DENR na ang mga mabibigyan nila ng naturang kasunduan ay may layong i-preserve ang resources ng protected area at hindi ang gawin itong subdivision.
Kailangan rin aniyang patuloy na mino-monitor ng DENR ang nangyayari sa loob ng protected area at hindi yung pinagbabawalan sila na pumasok sa loob.| ulat ni Nimfa Asuncion