Handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa pag-arangkada ng panahon ng kampanya kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), sa Oktubre 30.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, aabot sa 187,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa buong bansa para tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng eleksyon.
Aniya, paiigtingin ng PNP ang paglalatag ng mga checkpoint upang masigurong walang magtatangkang magpuslit ng baril dahil sa umiiral na gun ban gayundin ay makatulong sa kanilang anti-criminality campaign.
Mahigpit ang atas ni PNP Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga tauhan nito na pairalin ang maximum tolerance gayundin ang plain view doctrine sa pagsasagawa ng checkpoint.
Simula alas-12:01 ng hatinggabi ng Oktubre 19, magsisimula ang campaign period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na tatagal hanggang Oktubre 29. | ulat ni Jaymark Dagala