Pinapurihan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang ipinakitang katapatan ng isa sa kanilang mga kawani matapos na magsauli ng pera na naiwan ng isang pasahero sa paliparan.
Ayon sa MIAA Media Affairs Division, naiwan ng Amerikanong si Terrance Alspach ang kaniyang pera na nagkakahalaga ng US$1,017 o katumbas ng P55,237.85 habang papasakay na sana ng eroplano patungong Tokyo, Japan.
Nakita ng wheelchair attendant ang pera at agad na ipinagbigay-alam sa Aviation Security Guard na si Mercy Pecson na siya namang nagdala nito sa Airport Police Department para sa tamang disposition.
Sa tulong naman ng kuha ng CCTV mula sa Airport Police Department, nakilala ang may-ari ng nahulog na pera kaya’t hinabol ito at matagumpay na naibalik sa kaniya ang naiwang pera.
Dahil dito, sinabi ng MIAA na ang magandang ginawa ng isa sa kanilang mga tauhan ay patotoo na sinsero ang kanilang hanay sa paggawa ng mabuti at tama na dapat pamarisan ng bawat kawani ng paliparan. | ulat ni Jaymark Dagala