Inatasan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang lahat ng tauhan ng kagawaran at Armed Forces of the Philippines (AFP) na umiwas sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI) generator app.
Ito’y sa gitna ng nauusong paglikha ng “AI portrait” ng mga user sa mga social media network gamit ang naturang app.
Dito’y nagsusumite ng 10 larawan ang mga user na pinagsasama-sama ng app para lumikha ng isang “digital person” na kambal ng totoong indibidual.
Sa isang memorandum na may petsang Oktubre 14, 2023 pinaliwanag ng kalihim na ang mistulang inosenteng AI app ay maaring magimit para lumikha ng pekeng profile na pwedeng humantong sa identity theft, social engineering, phishing attacks, at iba pang malisyong aktibidad.
Babala pa ng kalihim, may naiulat nang ganitong kaso, kaya dapat maging maingat sa pagbibigay ng impormasyon online.
Paala ni Teodoro sa mga tauhan ng DND at AFP na siguruhing naayon sa lahat ng “values” at polisiya ng Kagawaran ang kanilang mga aksyon. | ulat ni Leo Sarne