Iniimbestigahan na ng PNP ang posibleng privacy breach na nangyari sa operasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group kamakailan.
Ito’y matapos pahintulutan ang vlogger na si Rendon Labador na mag-Facebook live ng kanilang operasyon sa isang lending company sa Makati City kamakailan.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ayaw na nilang maulit pa ang naturang insidente kung saan hindi na-blur ang mukha o naitago ang pagkakakilanlan ng mga empleyado ng kumpanya na ikinabahala ng mga kamag-anak nito.
Sa ngayon, sinisilip na ng PNP ang posibleng paglabag ng ACG sa Memorandum Circular 2023-053 o Revised Media Relations Policy.
Samantala, sa kanyang panig, sinabi ni ACG Spokesperson Police Captain Michelle Sabino na hindi niya kontrolado ang facebook live ni Rendon Labador na kanilang partner sa awareness campaign.
Matatandang, dati nang nabura ang account ni Labador dahil sa ilang beses nitong paglabag sa community guidelines ng Facebook. | ulat ni Leo Sarne