Opisyal nang ibinaba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pinagtibay na resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) hinggil sa pagpapatupad ng adjusted mall hours.
Pinangunahan ni MMDA Officer-In-Charge at Deputy Chairman Frisco San Juan ang isang pagpupulong kasama ang kinatawan ng iba’t ibang mall owner.
Una nang inanunsiyo ng MMDA, na simula Nobyembre 13 hanggang Enero 8 ng susunod na taon, magbubukas ang mga mall ganap na alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.
Layunin nito, na maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila gaya ng EDSA lalo’t inaasahang dodoble ang bilang ng mga motoristang daraan dito.
Kasunod nito, pinagsusumite rin ng MMDA ang mga mall owner representative ng kanilang traffic management plan, sakaling mayroon silang malalaking event na isasagawa sa panahon ng kapaskuhan.
Sa ganitong paraan kasi, mapaghahandaan ng MMDA ang mga naturang event o sale, at makapagtatalaga sila ng mas maraming traffic enforcer.
Kasabay nito, humirit naman ang isang malaking mall company na kung maaari ay ipatupad lamang ang adjusted mall hours sa kanilang sangay na nasa bahagi lamang ng EDSA. | ulat ni Jaymark Dagala