Iniulat ng Philippine National Police na umabot na sa 1,880 ang mga naaresto dahil sa paglabag sa ‘gun ban’ kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ang mga ito ay nahuli sa checkpoint at law enforcement operations mula Agosto 28 hanggang hatinggabi kagabi.
Base sa datos ng PNP, aabot na sa 1,430 mga armas ang kanilang nakumpiska.
Habang 1,666 armas ang isinuko, at 2,325 ang idineposito sa PNP para pag-ingatan.
Samantala, umakyat sa 26 ngayong araw mula sa 23 kahapon ang validated Election Related Incidents (ERI).
Ito ay mula sa 135 insidente ng karahasang naitala mula nang mag-umpisa ang election period, kung saan 85 ang napatunayang walang kinalaman sa eleksyon, at 24 ang suspected ERI. | ulat ni Leo Sarne