Muling nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kandidato na magpapasilo sa pangingikil ng mga tinatawag na communist terrorist group sa anyo ng ‘permit to campaign’.
Ito ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ay kasunod ng natatanggap niyang ulat, na may dalawang lugar sa bansa na may kaso umano ng pangingikil ng mga rebelde sa mga kumakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ng PNP Chief na iniimbestigahan nila ang bayan ng Bongabong sa Oriental Mindoro gayundin ang Lungsod ng Sagay sa Negros Occidental.
Pero sa kabuuan, sinabi ni Acorda na wala pa naman silang natatanggap na kahalintulad na insidente sa iba pang panig ng bansa, sabay pagtitiyak na hindi sila magpapakampante at patuloy nila itong babantayan.
Kasunod nito, iniulat din ng PNP Chief na wala rin silang namo-monitor sa ngayon hinggil sa pagkilos naman ng mga drug lord para impluwensyahan ang halalan. | ulat ni Jaymark Dagala