Kahit na tirik ang araw, tuloy-tuloy pa rin ang pagdating ng mga botante sa Bagong Pagasa Elem. School na siyang polling precinct para sa mga taga-Brgy. Bagong Pagasa.
Ayon sa Principal ng Bagong Pagasa Elementary School na si Dr. Lorna Ojeda, at siya ring DepEd Supervisor Official (DESO), simula pa kaninang umaga ay walang patid na ang dating mga botante.
Inaasahan kasing aabot sa higit 15,000 ang boboto sa naturang eskwelahan ngayong araw.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Principal Ojeda sa mga botante na ‘wag nang hintayin pa ang huling mga minuto ng botohan ngayong BSKE.
Paliwanag nito, walang magiging extension at hanggang alas-3 lang ng hapon tatanggap ng boto ang lahat ng polling center.
Nais rin aniya nilang maiwasan na sumabit pa sa oras ang mga botante at isisi pa ito sa mga guro.
Sa ilalim ng COMELEC rules, pagpatak ng alas-3 ng hapon ay papayagan pang makaboto ang mga botante basta pasok sa 30 meter radius mula sa polling center. | ulat ni Merry Ann Bastasa