Inulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na 44 na indibidwal na ang naaresto sa Metro Manila dahil sa election-related offenses hanggang kaninang alas-3 ng hapon.
Nasa 33 sa mga ito ang naaresto sa paglabag sa 2-araw na liquor ban, na sinimulang ipatupad kahapon ng hatinggabi hanggang ngayong araw, kaugnay ng Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa bilang na ito, 19 ang naaresto sa Bgy 818, Sta Mesa Manila; 3 sa Barangay Damayang Lagi sa QC; at isa sa Bgy. Marulas, Valenzuela City sa unang araw ng liquor ban.
Ngayong araw naman, dalawa pa ang nahuli sa paglabag sa liquor ban sa Brgy. NBBS Dagat-dagatan, Navotas; 6 sa Bgy. Pinagbutan sa Pasig City; at 3 sa Bgy. Bagong Pag-asa.
Samantala, apat na insidente naman ng vote buying sa Navotas City, Quezon City, at Malabon City ang iniulat ng NCRPO mula Oktubre 25 hanggang kaninang umaga kung saan apat ang arestado.
Habang tatlo umanong flying voters naman ang inaresto sa Bgy. 268 sa Maynila; at dalawang indibidwal naman ang inaresto dahil sa pagkuha ng litrato ng mga balota sa Bgy. Tambo, Paranaque. | ulat nu Leo Sarne