Nagpalabas ng abiso ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina hinggil sa pagpapatupad ng one-way traffic scheme sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave. mula Barangka fly-over hanggang Marikina Bridge patungong kabayanan o ‘city proper’.
Ayon sa Marikina LGU, layon nito na maibsan ang mabigat na trapiko gayundin ang pagkakaipon ng mga sasakyan sa mga himlayan o sementeryo partikular na sa Loyola Memorial Park.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng LGU ang mga patungong Gate 2 ng Loyola Memorial Park buhat sa Barangka fly-over pababa ng A. Bonifacio Ave. na gumawi sa kaliwang bahagi ng kalsada upang makapasok.
Habang kailangan namang nasa kanang bahagi ng kalsada ang mga sasakyan na patungo sa kabayanan.
Kung magmumula naman sa C5 by-pass road o Marcos Highway na daraan sa loob ng Riverbanks Ave., kailangang lumabas sa bahagi ng A. Bonifacio Ave. para sa mga patungong city proper at Loyola.
Ang mga sasakyan na galing sa loob ng Loyola na lalabas sa Gate 1 Exit area ay maaaring kumanan sa Don Gonzalo Puyat St., Paspasan St., at Chorillo St. at kakanan sa A. Bonifacio Ave. patungong Quezon City.
Habang ang lahat ng mga sasakyan na patungo sa Quezon City galing sa kabayanan ay maaaring dumaan sa kahabaan ng J.P. Rizal St. palabas sa Marcos Highway.
Tatagal ang one-way traffic hanggang Nobyembre 2, 2023 12:00 ng hatinggabi. | ulat ni Jaymark Dagala