Karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng International Law na magpatrolya saan man sa West Philippine Sea, kabilang ang Bajo De Masinloc, na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ito ang sagot ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año sa pahayag ng tagapagsalita ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) Southern Theater Command na umano’y iligal na pumasok ang barkong pandigma ng Pilipinas sa karagatang malapit sa Bajo de Masinloc, na aniya’y paglabag sa soberenya ng China.
Nilinaw ni Sec. Año na ang naturang barko ng Philippine Navy, ang BRP Conrado Yap (PS-39), ay nagsasagawa ng regular na patrol operation sa bisinidad ng Bajo de Masinloc at hindi pumasok sa teritoryo ng China dahil ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng archipelago ng Pilipinas at EEZ.
Sinabi ng kalihim na pinalalaki na naman ng China ang insidente, na lumilikha ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Nanawagan si Año sa China na umakto ng responsable, galangin ang United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS), respetuhin ang 2016 Arbitral Award, at tigilan na ang mga agresibong pagkilos sa karagatan ng Pilipinas.
Tiniyak pa ni Año na ipagtatanggol ng Sandatahang Lakas at Philippine Coast Guard ang teritoryo at soberenya ng bansa, alinsunod sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Leo Sarne