Nagpaabot ng pakikiisa ang pamunuan ng Philippine Red Cross (PRC) sa paggunita ng sambayanang Pilipino sa mga yumaong mahal sa buhay o ang tradisyonal na Undas ngayong araw.
Kasunod nito, tiniyak ni PRC Chairman at dating Senador Richard Gordon ang kanilang kahandaan para umalalay sa publiko sa araw na ito kung saan, may sapat naman silang mga volunteer na nakakalat sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa.
Ani Gordon, bagaman mahalagang gunitain ang mga ala-ala ng mga yumaong mahal sa buhay, subalit mas kailangang bigyang pansin ang pagbuhay sa tradisyon ng pagmamahalan, pagiging buo ng pamilya, at pagiging ligtas sa anumang kapahamakan.
Kaya naman, pinalalahanan ng Red Cross ang mga tutungo sa mga sementeryo na LAGING MAGING HANDA sa anumang hindi inaasahang pangyayari, tiyaking may sapat na kaalaman hinggil sa First Aid at alamin lagi kung saan matatagpuan ang mga emergency equipment at exits.
Dapat ding MAGING MAINGAT sa pagsisindi ng mga kandila sa mga sementeryo upang maiwasan ang sunog; ugaliing ilayo sa mga bata ang mga ito at maglaan lamang ng lugar kung saan maaaring magtirik ng kandila
Kailangan ding MALINIS, MAAYOS, at TAMA ang pagkakahanda sa mga pagkaing pagsasaluhan upang maiwasan naman ang pagkalason o pagkakasakit.
Tiyakin ding nasa MABUTING KUNDISYON ang mga sasakyang gagamitin sa pagbiyahe patungong sementeryo o iba pang mga lugar pasyalan o bakasyunan; palaging sundin ang batas trapiko at IWASAN ANG PAGMAMANEHO NG LASING.
Higit sa lahat, sinabi ni Gordon na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 kaya’t hinikayat nito ang publiko na magsuot pa rin ng face mask lalo na sa mga matataong lugar, palagiang maghugas ng kamay, at laging dumistansya upang hindi mahawaan ng sakit. | ulat ni Jaymark Dagala