Sa kabila ng mahinang ulan ay tuloy ang buhos ng mga bumibisita sa Bagbag Public Cemetery ngayong All Saints’ Day.
As of 8am kanina ay nasa 1,846 na ang naitalang bilang ng mga bisita sa loob ng sementeryo.
Sa tantya ng pamunuan ng sementeryo, posibleng pumalo sa 200,000 ang magtutungo sa Bagbag Cemetery ngayong Undas.
Marami sa mga nagtutungo ang itinataon talaga ang bumisita sa Bagbag Cemetery tuwing November 1 kahit na maraming tao.
Kabilang diyan si Mang Dennis na mayroong higit 10 kaanak na nakalibing dito na isa-isa niyang ipagtitirik ng kandila at ipagdarasal ngayong Undas.
Mahigpit naman ang ipinatutupad na seguridad sa loob ng Bagbag Cemetery.
Sa entrada, magkahiwalay ang ginagawang inspeksyon para sa mga kalalakihan at kababaihan.
Dito, kadalasang nakukumpiska ang mga kagamitang ipinagbabawal sa loob ng sementeryo.
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala, may ilan pa ring nakukumpiskang mga ipinagbabawal mula sa mga nagtutungo dito kabilang ang mga lighter, sigarilyo, at mga pintura.
Samantala, bukod naman sa police assistance desk ng PNP, may mga nakatalaga rin ditong paging station kung sakaling may mga mawawala, at medical assistance desk. | ulat ni Merry Ann Bastasa