Nananatiling nakaantabay ang Philippine Red Cross sa mga pangunahing sementeryo sa buong bansa para umalalay sa mga kababayang bibisita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.
Ayon kay PRC Chairperson at dating Sen. Richard Gordon, mula pa kahapon, Oktubre 31 ay nakapagsilbi na sila ng mahigit 3,000 indibiduwal na nakaranas ng emergency kaalinsabay ng okasyon.
Batay sa kanilang datos, aabot sa 3,996 ang bilang ng kanilang mga natulungan kung saan, 68 dito ay pawang minor cases at 2 major cases habang nasa 127 indibidwal ang nabigyan ng welfare assistance.
Nasa siyam naman ang inihatid sa mga ospital sa Bicol Medical Center, Naga City Hospital, Cebu City Medical Center, Cebu Provincial Hospital at Davao Oriental Privincial Hospital.
Mula naman sa kabuuang bilang na 3,000 narespondehan ng PRC, karamihan sa mga ito ay blood pressure/vital signs monitoring, 68 ang nakaranas ng pananakit ng ulo, 2 ang nahirapang huminga at 9 ang nakaranas ng pananakit ng tiyan.
Hinikayat naman ng PRC ang publiko na huwag magdalawang isip na lumapit sa kanilang 260 first aid stations, 22 roving teams, 17 foot patrol teams sakaling makaranas ng hindi maganda sa kanilang kalusugan.
May naka-standby naman silang 60 on-site standby ambulance at mahigit 1,053 na staff at volunteers upang umalalay sa sandaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala