Matagumpay na nagampanan ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang misyon sa naging pangkalahatang mapayapa at maayos na pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., kasabay ng pagsabi na walang ‘threat group’ ang nakasagabal sa proseso ng pagboto.
Sa kabila aniya ng ilang mga iniulat na election related incidents, hindi nito napigilan ang malayang pag-ehersisyo ng mamamayan ng kanilang karapatang pumili ng kanilang mga barangay at youth leader.
Nagpapasalamat si Gen. Brawner sa Commission on Elections, Philippine National Police, at Department of Education (DepEd) sa kanilang “partnership” na naging daan sa pagkamit ng “secure”, malaya at maayos na halalan.
Tiniyak ng Heneral na mananatiling alerto ang AFP ngayong Undas upang patuloy na mapangalagaan ang publiko at ang estado laban sa anumang banta. | ulat ni Leo Sarne