“Modernize, Irrigate, Fertilize,” ito ang inihayag ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., na kasama sa marching order sa kanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa kanyang unang pulong-balitaan, inihayag ni
Sec. Kiko na pangunahing atas sa kanya ng Pangulo na mapataas ang lokal na produksyon sa bansa.
Ibig sabihin, hindi ito magiging ‘pro-importation’ bagkus ay tututukan ang mga istratehiya para matulungan ang mga magsasakang maiangat ang kanilang ani.
Kasama na riyan ang pagpili ng mas magagandang kalidad ng mga binhi.
Aniya, nakatakda siyang mag-ikot sa buong bansa para pag-aralan at personal na alamin ang tunay na kalagayan ng sektor ng sakahan, pati na ang pangisdaan.
Kasunod nito, tiniyak rin ng bagong kalihim na hindi makakalusot ang korupsyon, pati mga nagmamanipula ng presyo at mga smuggler sa kanyang pamumuno dahil kasama rin ito sa kanyang tututukan.
Sinabi ng kalihim na makikipag-ugnayan at makikipagtulungan ang DA sa law enforcement agencies upang siyasatin, hulihin, at kasuhan ang mga smugglers, hoarders, at price manipulators. | ulat ni Merry Ann Bastasa