Kumpiyansa si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na matutugunan na ang problema ng ‘overcrowding’ sa mga kulungan sa buong bansa kapag natuloy ang National Jail Decongestion Summit.
Nagsimula ang planong summit kasunod ng pagbisita kamakailan ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa Pasay City Jail, kasabay ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week kahapon.
Ang summit ay lalahukan ng major stakeholders at players sa pangunguna ng Supreme Court, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ang BJMP ay isang attached agency ng DILG.
Inilarawan ni Abalos ang summit bilang isang makabuluhang hakbang tungo sa pagtugon sa patuloy na isyu ng jail congestion sa bansa.
Nakikita rin niya ito bilang isang magandang pagkakataon para sa lahat ng stakeholder na magsama-sama at magtakda ng landas tungo sa mas epektibo, makatao, at pantay na mga gawi sa pagkakakulong, na maaaring humantong sa makabuluhan at pangmatagalang mga reporma.
Pagtiyak pa ni Abalos na nakahanda ang DILG na makipagtulungan at mag-ambag sa mahalagang hakbangin na ito. | ulat ni Rey Ferrer