Magkakasa ang Senate Committee on Women ng ocular inspection sa gusali sa Pasay City na ginamit ng POGO companies sa prostitusyon o sex trafficking, love at crypto scams, pangto-torture at iba pang iligal na gawain.
Base sa impormasyon mula sa opisina ni Committee chairman Senadora Risa Hontiveros, gagawin ang inspeksyon sa Biyernes, kasabay na rin ang pagdinig tungkol sa natuklasang mga iligal na aktibidad at human trafficking sa gusali.
Ipinagtataka aniya ng senadora kung bakit hindi alam ng mga pulis Pasay ang mga iligal na gawin na ginagawa ng naturang POGO building kahit pa lantaran itong ginagawa.
Kaugnay nito, kinikilala naman ni Hontiveros ang agarang aksyon ng PNP sa pagsibak sa pwesto sa mga police pasay officers na nagkulang kaya’t nakalusot ang ganitong gawain.
Nagpasalamat rin ang mambabatas sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, Inter-Agency Council Against Trafficking, at sa PNP Women and Children Protection Center sa pangunguna sa raid na nagsiwalat ng iligal na aktibidad ng POGO na ito at sa pagsagip sa mga victim-survivors ng human trafficking.
Sa ngayon, umaapela si Hontiveros sa PNP leadership na imbestigahan pa ang mga katulad na pattern sa ibang mga lugar sa bansa maging ang kanilang mga tauhan na dapat nagpapatupad ng batas at kaayusan.| ulat ni Nimfa Asuncion