Iniulat ngayon ng DENR Environmental Management Bureau (EMB) na bumuti na ang kalikad ng hangin sa bansa ngayong 2023 kumpara noong nakaraang taon.
Batay sa nasukat na Particulate Matter (PM) simula nitong Enero hanggang Hunyo 2023, ay nasa average na 40 ug/ncm (micrograms per normal cubic meter) ang naitala sa Metro Manila, na bahagyang mas mababa kumpara sa 43 ug/ncm ng parehas na petsa noong nakalipas na taon.
Ayon kay DENR Assistant Secretary at EMB Director Gilbert Gonzales, bumaba na rin ang dami ng air pollutants sa Metro Manila nitong nakalipas na dekada kung saan ang PM10 ay may average na 70 ug/ncm noong 2012 at ang PM2.5 ay 36 ug/ncm noong 2017.
Kasama naman sa nakikita nitong nakaambag sa pagbuti ng kalidad ng hangin sa bansa ang pagbabago ng fuel emission standards kabilang ang bio-fuels at gayundin ang paghihigpit sa monitoring ng emission ng mga factory at industrial facility.
Hinikayat naman ni Gonzales ang publiko na makiisa sa hakbang para magpatuloy ang pagbuti ng kalidad ng hangin. Kasama sa rekomendasyon nito ang pag-iwas sa paggamit ng sasakyan tuwing rush hour, planuhin ang mga lakad sa panahon ng non-peak periods, gawin ang car-pooling o ride-sharing at isulong ang eco-friendly transportation method tulad ng pagbibisikleta o paglalakad.
Sa kasalukuyan, ang DENR-EMB ay may 123 air quality monitoring stations sa buong bansa na may kapasidad na mag-monitor ng ambient air quality sa pamamagitan ng pagsukat ng air pollutants na PM10 at PM2.5, maging ang lebel ng carbon monoxide, nitrogen oxide at sulfur oxide. | ulat ni Merry Ann Bastasa